Ang Tunay na Pilipino ay si Emily.


Madilim ang paligid ng gabing iyon habang binabaybay namin ang mahabang daan patungo sa aking tirahan. Siksikan ang FX-Taxi na aking nasakayan kung kaya bawat ingay na malilikha sa loob nito ay dinig ng lahat. Sa likod ako napunta habang may katapat na babaeng nakakulay puting damit. Sa gilid naman ng aking upuan ang dalawang babae na tila ngayon lang nagkita sa sarap ng kwentuhan. Dito ko napatunayan na tunay nga silang Pilipino. Kasalukuyan naming tinatawid ang delikadong highway kasabay ng biyaheng langit na patakbo ni Manong Driver at dito ko nakilala si… itago na lang natin siya sa pangalang Emily.

Emily – isang hindi katandaan na babae, mula sa Pasay at mabait na mamamayang Pilipino (sabi niya). Katabi naman niya sa gawing kanan ang matandang babae na hindi din kagandahan na parehas pa lang patungo sa Simbahang may ilaw sa itaas dito sa PaQ. Habang patuloy ang ikot ng gulong ng sasakyan, ay patuloy din ang pag-rolyo ng kwentuhan ng dalawang matanda. Dito ko napatunayan na Chismoso pala ako. Ayaw ko man pakinggan ang kanilang kwentuhan, patuloy pa din sumisiksik sa dawalang butas ng aking tenga ang kanilang boses na tila mo may recollection. Sa pagkakataong ito, nakisawsaw na din ako sa kanilang chismisan sa pamamagitan ng pakikinig. Una nilang pinagusapan ang Kahirapan.

Madaming pinoy ang naghihirap dahil sa KAHIRAPAN.
Natawa ako ng madinig ko ang katagang ito. Parang may mali sa sinabi niya subalit nagpaliwanag siya sa babaeng hindi kagandahang katabi niya. Sa tuwing pupunta daw siya sa Baclaran ay naaawa siya dahil sa mga nakikita niyang Illegal Settlers (squatters lang yan. Pinasosyal lang) na tila ang tanging libangan lang ay ang pag-tooo-too-toooot. (Rated PG). Ang mga mahihirap ay lalong naghihirap dahil pagsapit ng gabi ay wala naman silang trabaho pagkatapos nakisabay pa ang panahon kapag malamig na waring nagtatawag ng toooooot tooooot. *Ching! Welcome bunso, welcome to the family (again n again). Populasyon daw ang problema.

Ang buhay ay isang LARO lamang.
Minsan daw sa buhay ni Emily, hindi pumasok sa isip niya ang magnakaw. Sa panahon daw ngayon wala ng sinasanto ang masasamang tao. Iphone 4s, Sonny Vaio, Galaxy Tab, LV Bag, etc. ang magiging sanhi ng iyong  maagang pagkamatay. Sa katunayan nga, habang binabasa mo to, may isa na namang nakuhanan ng gamit sa EDSA ng dalawang lalaki. Ang buhay ay parang isang laro lamang. Kaylangan mong gampanan ang iyong tungkulin sa pakikibakang ito. Sa Hunger Games lang naman uso ang PAGMAMAHAL na kung saan pagdating sa dulo ay mas gugustuhin pa niyang mamatay sila parehas kesa manalo. E ngayon, lahat ng tao nakikipagpatayan  makapasok lang sa show ni Willie Revillame sa TV 5 upang manalo ng kaunting salapi, isang KEMBOT (literal) lang.

Hindi sapat na mabait, dapat ay maging MABUTI ka.
Ayoko din maniwala sa mga pinagsasabi niya. Para kasing scripted na, or gusto lang talaga niyang tumakbong Konsehal sa 2013. Pero nagulat ako ng malaman kong active daw siya sa simbahan at kung ano ano pang samahan na kinabibilangan ng mga taong simbahan. Sa buhay daw niya ngayon, madami na siyang napuntahang bansa at nakita niya ang kahalagahan ng pagiging mabait. Gustong gusto daw niyang tumulong sa mga taong higit na nangangailangan subalit kulang pa daw ang kanyang kayamanan para tugunan ito. Nakwento tuloy niya ang kanyang karanasan noong nakaraang buwan ng nagpunta siya sa hearing ni Corona. Nagagalit siya dahil ang bobo daw ng mga senador natin dahil away sila ng away doon e mayaman na daw sila. Bakit daw hindi nalang pagtugunan ng pansin ang mga pangangailangan n gating kapwa mamamayang Pilipino? May point talaga si Emily sa mga sinabi niya. Pero parang nahahalata na ata niya na nakikinig ako.

Lahat naman ng bagay ay natututunan.
Biglang naiba ang daloy ng kwentuhan (chismisan) ng dalawang babae. Napunta ang kanilang atensyon sa mga studyante sa kolehiyo dito sa ating bansa. Biglang natanong ni Emily kung kaya daw bang gawin ng isang tao na hindi naman nakapag-aral ang isang gawain sa opisina (ex. Sa government) kumpara sa isang college graduate na nag-aral nga ng kursong pang medisina pero nasaan? Nasa call center. Sa sobrang dami daw ng graduate ngayong taon, halos 30% lang daw ang may trabaho na. Mapalad ako kasi isa naman ako sa 30% na iyon. Natawa ako at gusto ko na talagang sumabat sa kanilang usapan. Dinagdag pa ni Emily na lahat naman daw ng bagay ay natututunan.. napag-aaralan. Huwag lang daw natin hayaan limitahan ang ating sarili sa mga bagay na nakasanayan na.

Sa sobrang tagal ng kanilang kwentuhan, natanong tuloy ni Emily sa katabi niya kung malapit na nag simbahan na kanilang pupuntahan. Basta daw makakakita siya na krus na mataas na may ilaw. Malayo na ang FX subalit wala pa din ang krus. Naglakas na ng loob si Emily sa driver na magtanong. OOOOOOOPPPPPSSSS. Lumagpas na po kayo. Di ko mapigilan ang tawa ko at gusto kong sabihin na, ayan.. chismis kasi. Pero wala na din ako nagawa dahil ang dami ko din natutunan sa mga kwentuhan nila. Ewan ko ba kung tao talaga sila o isa sila sa mga Wako Wako na pinadala para sa akin at maisulat ko itong blog post na ito. Masaya ako dahil kahit sa simpleng paraan, may sense pa rin pala ang mga Pinoy. Yun nga lang.. mag-ingat sa susunod. Baka lumagpas ka dahil sa sobrang lumalabas sa iyong bibig.

Hindi masama ang mangarap. Walang mali sa pagiging tama. At higit sa lahat, tayo ay nabubuhay dito sa lupa ng pantay-pantay, may pinagkaiba man sa anyo at kulay, tayong lahat ay si Emily.

Emily.

Isang tao na gustong matuto, pero ayaw pa din tigilan ang Lotto.

Isang tao na gustong magbago, pero ayaw lubayan ang bisyo.

Isang tao na ayaw matalo, pero walang ginagawa para manalo.

Isang tao na gustong umasenso, pero ayaw naman itigil ang maling kwento.

Isang taong gusto ng progreso, subalit wala naman plano.

Ikaw.  Ako. Tayo. Isa ka bang tunay na Pilipino?


PS. PaQ means Paranaque. :)

Share this:

, , , , , , , , , , , , , , , , , ,

CONVERSATION

1 comments:

Thanks for dropping by!